Sabado, Oktubre 27, 2007

ANG buhay [eto na. talagang Tagalog]


Matagal na nang nagsimula ang mundo at kasing dami na siguro ng mga bituin ang mga beses na tinanong ng tao kung ano ang buhay. Ano nga ba ang buhay? Nang iniharap ang tanong na ito sa akin, ako’y napatigil at napaisip ng lubusan. Maaari niyong sabihin na nabaliw rin ako dahil sa ikinatagal kong paninirahan sa mundong ito, marami nang kahulugan ang aking nalaman. Dahil ito’y napakarami, hindi ko alam kung ano ang paniniwalaan sapagkat punung-puno ng talinhaga ang halos lahat ng aking nalamang kahulugan. Yung tipong madadala talaga ang tao na para bang isa siyang malaking rebelasyon. Sa dami ng mga kahulugang ito, mahirap talagang pumili ng isa! Pumasok din sa isip ko na iba mag-isip ang mga tao kaya’t sa huli, nasa sa atin ang pagbibigay ng kahulugan sa simple ngunit komplikadong tanong na ito. Matagal ako nakatitig sa kawalan at aking napagdesisyunan na hindi ko talaga kayang dumikit sa isang paniniwala lamang kaya sana’y hayaan nalang akong sabihin ang lilan sa aking mga nararamdaman at naiisip tuwing nadadaanan ko ang tanong na ito.

Para sa akin, ang buhay ay parang isang malaking timbang. ‘Pag may magandang pangyayari, kailangang maging balanse kaya’t magkakaroon din ng di-kasing ganda na pangyayari pagkatapos. O ‘di kaya’y baliktad. Kahit ano man ang mauna, ganun umiikot ang mundo at kahit ang pinakamayaman o pinakamakapangyarihang tao sa mundo ay walang magagawa para labanan ito. Ito’y kailangang tanggapin ng mga taong naninirahan sa mundong ito. Masasabi ko rin na ang buhay natin ay punung-puno ng pagtutuklas ng kaalaman. Hindi nagkakaroon ng araw kung saan wala tayong bagong natututunan. Ang pag diskubre natin sa mga bagong bagay araw-araw ay tumutulong sa pagunlad ng ating pagkatao.

Hindi tayo ginawa ng Diyos para maging dekorasyon lamang sa mundo Niya. Ang ating pamamalagi dito ay may dahilan. Iyon sa tingin ko ang layon ng buhay. Minsa’y ginawa tayo ng Diyos para magampanan ang papel natin. Para gawin ang bagay na tinadhanang gagawin natin. Walang makakatakas. Iba-iba ang binigay sa ating tungkulin at tayong lahat ay inatasang gawin ito. Tila ang simple, hindi ba? Nagiging komplikado ang simpleng gawaing ito dahil kailangan nating hintayin ang araw na malaman natin ang papel na ito. Hindi agad-agad nalalaman ng lahat ang kanyang papel sa sandali ng ating kapanganakan. Kailangang pagtiyagaan. Hinatayin.

Dahil nabigyan ko na ng kahulugan ang napakakomplikadong salitang ito, sa pagharap ng huling tanong, ako’y nag-isip at nag-isip na parang wala nang bukas. Aking napagtanto na dahil ang buhay ay sadyang maikli, nais kong mabuhay na pinaniniwalaan na ang bawat araw ko ay ang huli. Mahilig akong tumitig sa kawalan at balikan ang mga nangyari sa akin dati. Sa mga panahong ito, maraming mga “paano kung” na tanong ang lumilitaw at ilang beses ko sinasabi sa sarili ko na “dapat ginawa ko ‘to!" o “dapat ito ang pinili kong desisyon, hindi iyon”. Ako’y laging naiinis sa sarili ko ‘pagkat parang lumalabas na maraming bagay na nangyari dati na hindi ko binigyang halaga noon. Lagi akong nagkakaroon ng mga hindi kanais-nais na mga emosyon tuwing ako’y nagbabalik memorya at sa totoo lang, ako’y pagod na. Dahil dito, napagdesisyunan ko nang iwasan ang mga masasamang emosyon na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng halaga sa lahat ng bagay na nangyayari sa akin. Hindi naman ako makasisiguro na mangyayari ang mga iyon uli. Mabuti nang maging sigurado kaysa magsisi sa huli hindi ba?

Binigyan tayo ng isang pagkakataon ng Diyos para mabuhay kung saan maaaring gawin ang kahit anong naisin natin! Gumawa ng mga magagandang bagay at pagkakamali narin. Sa pagkakataong ito na ibinigay sa akin ng Diyos, nais kong sulitin ang lahat. Itama ang mga mali o ‘di kaya maliin ang mga ginawang tama. Maging baliw na kung baliw, tanga kung tanga basta sa kahuli-hulihan ng lahat, magagawa kong ngumiti habang iniisip na tama ang lahat ng pagkakamali ko at nagamit ko ang isang pagkakataong ito ng lubusan! Ito ang aking bagong ambisyon sa buhay. Abangan nalang natin kung magagampanan ko ito.

4 (na) komento:

  1. nakakabighani ang wikang Filipino!... :) nays nays! (nice nice!) :)

    TumugonBurahin
  2. onga e. ibang klase talaga yung impact :)) hahaah!!

    TumugonBurahin
  3. naakks. lola, gusto ko po itong part at yung isaang senntence po dunn :) hehehe.
    isang sagot lang po jann..

    live life to the MAX :D yeah ΓΌΓΌ -- ayy. tagalog.. magpaka saya sa buhay!! mabuhay!
    hahaha. :)) lol.

    apir po tayo jan** hahaha. naka accomplish po tayo ng todo tagalog na blog.
    wahaha. apir.apir* :p ahaha.

    TumugonBurahin
  4. apir!! :)) haha onga e.. isa to sa requirements namin sa AS
    i realized na hirap talaga akong magexpress ng feelings ko sa Tagalog.

    I think english-y kasi e. :P ahaha
    pero yyeah that's lifee! :D

    TumugonBurahin